Martes, Agosto 26, 2014

FILIPINO: Wika Ng Pagkakaisa


        Ang wika ang nagsisilbing pundasyon sa pagkakaroon ng komunikasyon sa pagitan ng mga tao. Naipapahayag, naipapakita at nasasabi natin ang ating mga nadarama, ninanais at hinaing sa pamamagitan ng pagsasalita o pagsusulat gamit ang isang wika.


    Ingles ang unibersal na wika sa buong mundo, ginawa ito para magkaintindihan ang mga tao na naninirahan sa iba't-ibang bansa. Sa pagkakaalam ko, Pilipinas lang ang tanging bansa na may sari-sariling wika halos lahat ng rehiyon. Gaya ng sa wikang pandaigdig, Filipino ang ating wikang pambansa. Tinagurian itong "WIKA NG PAGKAKAISA" dahil sa pamamagitan nito, nagkakaunawaan ang mga Pilipino.


         May mga nakapagsabi rin na ang Cebuano dapat ang ating pambansang wika dahil na rin mas naunang naging lungsod ang Cebu kaysa Maynila. Ngunit para sa akin, anuman ang ginawang wikang pambansa ay ayos lang basta't kaya nitong pagbukludin lahat ng mamamayang Pilipino, na walang away na magaganap nang dahil lang sa hindi magkaintindihan na dulot ng magkaibang lengwahe na kanilang ginagamit.


         Si Manuel L. Quezon na siyang pangulo ng ating bansa ang nakaisip nito, na sana'y magkaroon ng isang wika na gagamitin para magkaunawaan lahat ng Pilipino. Napag-isipan niya ito noong siya'y dumadalaw sa iba't ibang lugar at iba-iba ang gamit nilang wika, na kinakailangan pa niyang may magsalin sa Tagalog ang sinasabi ng kausap niya. Dito niya napagtanto na kailangan ng isang wika para magkaroon tayo ng "unity". Ang napili nila ay ang tagalog na noong lumaon ay ginawa nilang wikang 'Filipino'.


           Hanggang ngayon, tuwing Agosto ay dinadaos ang Buwan ng Wika upang ipaalala ang pagkakaroon ng pagkakaisa gamit ang isang wika. Ang wikang Filipino ay sumisimbolo sa pagiging Pilipino natin. Sabi doon sa isang kanta, "Ang hindi sanay sa wika ay isang banyaga" at "Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda". Sinasabi dito na kapag hindi mo alam gamitin ang wikang Filipino ay para ka na ring hindi ka Pilipino at kapag ikinahiya mong gamitin ito ay parang ikinakahiya mo ring ikaw ay isang Pilipino.



        Ang Filipino ay tunay na wika ng pagkakaisa. Ang isang Ilokano, Bicolano, Cebuano at Pangasinense ay nagkakaisa o nagkakaunawaan gamit ang wikang ito.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento